CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Biyernes, Oktubre 21, 2011

Tahanan ng Isang Sugarol salin ni Rustica Carpio

Ang maputing ulap sa maaliwalas na langit ay matingkad na nakukulayan, parang bahaghari. Mabilis na papunta sa kanluran ang lumulubog na araw.
Dahil tapos nang magalaba, mabagal na tumayo si Lian-chiao sa tabi ng balon. Sandali siyang napapikit nang maramdamang tila may mga bituing lumilipad sa harap niya, gustong mawala ang mga bituing nakahihilo. Si Siao-lan, ang anak niyang babae na tatlong taong gulang ay hubad na nakaupo sa tabi ng palanggana at naglalaro ng tubig.
“Inay, tapos na po ba kayong maglaba? Ako na ang magsasampay.” Si Ah  Yue iyon na mas matanda kay Siao-lan ng mga tatlo o apat na taon. Nagdidilig siya ng mga gulay na Chai-sim sa kabilang gilid. Nang makitang tapos nang maglaba ang ina, mabilis siyang tumakbo para kunin ang mga labada at isampay sa alambreng nakatali sa dalawang poste sa loob ng kubong walang dingding.
Hindi sinagot ni Lian-chiao si Ah Yue. Tumango lamang siya, nakatayo pa rin at nakapikit—nagpipilit na mabawi ang lakas. Payat siya at maliit, mga biente-singko anyos, at nakasuot ng kupas na asul na sam-fu. Medyo nakangiwi ang kanyang mga labi. May pangit at nangingitim na bukol sa kanyang noo. Halatang napalo siya ng isang matigas na bagay kamakailan lamang. Malaki ang kanyang tiyan. Madaling mapansing nagdadalantao siya at malapit nang manganak.
Nang dumilat si Lian-chiao, nakatayo na si Ah Yue sa isang bangkito at isa-isang isinampay ang mga damit sa alambre. Dahil mataas ang alambre, kailangang tumingkayad siya at tumingala. Habang minamasdan ang maliit na katawan niyon at ang alanganing paraan ng pagsasmpay ng mga damit sa alambre, biglang nahabag si Lian-chiao. Mahina niyang sinabi, “Ah Yue, mag-ingat ka. Baka ka mahulog!”
“Opo!”, sagot ni Ah Yue. Bigla iyong pumihit, nangangambang tumingin at nagtanong, “Inay, luto nab a ang hapunan? Kung hindi, kagagalitan at bubugbugin na naman tayo ni itay!”
Nakapukaw kay Lian-chiao ang huling sinabi niyon. Bigla siyang kinabahan. Kahit mayroon pang kaning lamig na natira sa pananghalian, lulutuin pa ang mga gulay. Kapag walang nakain, pag-uwi ang asawa niyang sugarol, tiyak na may mangyayari. Hindi sinasadya’y nahipo niya ang namamagang bahagi ng noo. Tuamahip ang kanyang puso. Nagmamadali siyang naligo sa tabi ng balon at pagkatapos ay tinulungansi Siao-lan sa paglilinis ng katawan nito. Pinuno niya ang dalawang bald eng tubig at kinarga ang mga ito sa pingga pauwi.
Ang nakahilis na sinag ng lumulubog na araw ay tumama sa kanyang katawan, sa malaki at bilog na tiyan, sa dalawang umuugang balde ng tubig sa pingga, sa umiika niyang paa, at sa hubad na si Siao-lan na naglalakad sa kanyang likuran, palinga-linga.
Pagod na si Lian-chiao sa walang tigil na pagtatrabaho, ngunit hindi siya puwedeng magbagal ng kilos. Mabilis niyang sinindihan ang apoy sa pugon, hiniwa ang mga gulay, pinakulo ang tubig, nilinis ang mga kawali at iba pang kasangkapan sa kusina.
Ang pugon ay yari sa luwad at may mga gatla na sa iba’t ibang bahagi. Sa tabi ng pugon ay may maliit na lalagyan ng panggatong. Wala na iyong laman. Kinakailangang isantabi muna ni Lian-chiao ang sipit ng kalan para manguha ng panggatong. Tumulong si Siao-lan at may dalang isa o dalawang piraso tuwing papasok, ikinakalat sa lahat ng lugar.
Abala sa gawain si Lian-chiao.Tinanglawan ng liwanag na namumula sa apoy ang mga guhit ng pagod at puyat sa kanyang mukha. Walang makasisisi sa kanya. Mula alas-sais ng umaga, nang bumangon siya para maghanda ng almusal, hindi na siya natigil sa paggawa hanggang ngayon maliban sa sandaling pahinga noong tanghalian. Noong umaga’y nanguha siya ng mga punla ng palay at itinanim sa bukid, at noong hapon ay nagsibak siya ng kahoy na panggatong at namitas ng ta-feng-ho isang damong panggamot nagagamitin niyang pampaligo pagkapanganak. Malapit nang isilang ang sanggol at hindi maaaring hindi siya handa. Kung hindi niya ihahanda agad ang mga kailanga, anong mangyayari sa bahay kung bigla na lang siya ipasok sa ospital? Walang alam ang sugarol niyang asawa kundi humilata sa kama sa kuta ng opyo at magmadyong araw-araw sa Hsiang Chi Coffee Shop. Kung hindi niya aasikasuhin  ang mga bagay-bagay ngayon, sino ang tutulong sa kanya? Bukod sa gawain sa bahay, kailangan niyang lagyan ng pataba ang mga gulay at pipino na nakatanim sa gilid ng kanyang bahay, at bunutin ang ligaw na damo. Kung hindi ay bubugbugin siya ng kangyang asawa kapag nagging masama ang ani. Masakit pa nga ang kanyang noo dahil sa suntok nito dalawang araw na ang nakararaan dahil nagkamali siyang sagutin iyon.
“Sssst…” Inilagay niya sa kawali ang mga dahon ng kamote. Ang buong bahay ay napuno ng bango ng nilulutong gulay.
Nakaupo si Siao-lan  sa loobg ng bahay, dinidilaan ang mga labi at tinitignan ang nakatatandang kapatid na nakatyao pa rin sa kuwadradong bangko sa labas.
Di kaginsa-ginsa’y isang tinig na tila tunog ng basag na kampana na nagbuhat sa labas ng pinto. “Ah Yue! Hindi ka ba natatakot mahulog diyan? Ang taas ng naaakyat mo, ha? Gusto mo nab a dalawin ang hari ng kadiliman?”
“Itay… Nagsasampay lang ako…”, kiming sagot ni Ah Yue.
Halos kasimbilis ng kidlat, isang parang-kawayang lalaki ang pumasok sa bahay at sandaling tumayo, galit. “Lintik! Gabi na’y hindi pa luto ang hapunan. Umalis ka ba para hanapin ang kalaguyo mo?”
“Sandali na lang…maluluto na… Ipiprito ko na lang ang inasinang isda. Pagkatapos…pagkatapos ay puwede na tayong… maghapunan.” Walang lakas ng loob si Lian-chiao na tumingala man lamang. Inilagay niya sa isang plato ang pinipritong talbos ng kamote at naglagay pa ng ilang patak ng langis sa kawali. Bahagyang nanginginig ang kanyang mga kamay habang hinuhugasan ang inasinang isda. Hindi siya naglakas-loob na tumutol sa ingay ng kanyang asawa.
Si Li Hua, ang asawa ni Lian-chiao, ay larawan ng isang tunay na manghihithit ng opyo:payat at matangkad, may maiitim na ngipin at namumulang mga mata. Matapos nakapamaywang na sinigawan ang bawat isa, nagsimula siyang maghubad, at marahas na nagtanong, “Handan a ba ang tubig na pampaligo?”
“Ihahanda ko na ang tubig,ihahanda ko na…”
Mabilis niyang itinabi ang siyansi, ibinuhos ang isang kaldero ng kumukulong tubig sa isang balde na kauuwi lamang niya. Pagkatapos ay binuhat iyon nang dalawang kamay sa luma at sira-sirang banyo. Yukung-yuko siya dahil sa bigat ng tubig. Umaalog ang malaki niyang tiyan, at nakangiwi ang maputlang mukha, nagpapakita ng hirap at marahil ay kawang-pag-sa.
Sumagitsit sa kawali ang inasinang isda dahil sa init ng mantika.
“Masusunog na ang inasinang isda. Hindi mo ba naaamoy? Napakabagal mong kumilos. Wala kanga lam kundi kumain!” Walang tigil sa pagmumura sa asawa si Li Hua habang ang babae’y papunta sa banyo.
Nagtago sa isang sulok ng bahay ang dalawang bata, nanginginig sa takot. Hindi sila nagkalakas-loob na magsalita. Kabisado na nila ang nangyayari, baka natalo na naman sa sugal si Li Hua.
Pagkatapos kumain at habang pinupunasan ang nagmamantikang nguso, kinuha ni Li Hua ang lalagyan ng tsa. Humigop siya ng kaunting tsa at pagkatapos ay, “Pwe!”, lumura sa lupa. Niligis ng kanan niyang paa ang malapot na laway sa sahig.
Inaakalang aalis na naman ang lalaki, mabilis na ibinaba ni Lian-chiao, na kumakain pa, ang mangkok at chopsticks, at nagkakandautal  na, “Ama ni Ah Yue, aalis ka na naman? Ako’y…”
“Ano? Hindi ako aalis!” Napakalakas ng boses ni Li hua. “Natalo ako ng biente dolyar ngayong hapon sa Hsiang Chi Coffee Shop. Bakit hindi ako babalik para makabawi ang natalo sa akin? Pag hindi ako nanalo ngayong gabi hindi ko na tatawagin ang sarili kong eksperto sa madyong!”
“Puwede bigyan mo ako ng ilang dolyar? Nag-order ako ng dalawampung itlog kay Ying… Malapit na akong manganak. Kailangang bumili ako ng ilang itlog para lutuin sa luya at alak.” Minasdan ni Lian-chiao ang malaki niyang tiyan. Masyadong mahina at mababa ang kanyang boses.
Nang marinig na kailangan niya ng pera, biglang nagtaas ng kilay si Li Hua. Lalong pumula ang mga mata niyang dati nang namumula. Ibinuka niya ang bibig, ipinakikita ang dalawang hanay ng bungi-bungi at maiitim na ngipin. “Hindi! Hindi! Sinong may sabi sa iyong bumili ka ng masarap ba pagkain kung wala kang pera? Kung kaya mong mag-order, bakit hindi mo kayang magbayad?”
Lumura na naman sa sahig ang lalaki at dinilaan and nguso. Humakbang ang mahahaba niyang binti at lumabas ang tila-kawayan niyang katawan.
Nakatayo sa gitna ng bahay si Lian-chiao, nakabuka ang medyo laylay na bibig, natitigilan at hindi makakilos.
Mahangin at maginaw nang gabing iyon. Habang nakahigang walang tinag sa matigas na higaang kahoy, hindi makatulog si Lian-chiao. Naglalakbay ang kanyang isip. Kahit pago na pagod siya at mabigat na ang mga mata pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, gising na gising pa rin ang kanyang isip.
Ang mga lumipas na pangyayari ay parang ulap sa bundok na mabagal na pumapailanglang sa lambak, naaanod, naaanod—kasinggaan ng usok. Sa lahat ng mga taong patay na o buhay pa, ang larawan ng kanyang ina ang namumukod na lumalantad. Sa kagustuhang magkaapo kaagad, pinag-asawa nito ang tila bulaklak na anak niya—si Lian- Chiao na kinse anyos pa lamang noon. At ang masama pa, sa kasabikang magkaroon ng mainam na buhay pagtanda niya, at laban sa payo ng mga kamag-anak at kaibigan nila, pinili niya para maging manugang si Li Hua, na anak ng noo’y isang mayamang negosyante. Lahat ng kanyang pag-asa ay nabigo. Isang taon pagkaraang makasal si Lian-chiao at lumipat ng bahay, ang ina’y namatay sa kanser sa dibdib. Paano niya malalaman na dahil sa ipinagkasundong kasal, mawawala sa kanyang anak ang katahimikan at kaligayahan sa buong buhay nito?
Nagbuntung-hininga nang malalim si Lian-chiao. Nanlabo ang kanyang mga mata dahil sa luhang napigil ang pagpatak. Ngayon, ang taong lumilitaw sa isip niya ay ang kanyang asawa, ang walang silbi at tila kawayang siLi Hua. Winaldas niyang lahat ang manang iniwan ng ama niya. Marami siyang bisyo: pagsusugal, paglalasing, paghithit ng opyo, pagpunta sa bahay-aliwan…eksperto siya sa lahat ng ito. Ang pinakamalakas na dagok kay Lian-chiao ay ang pagkamapamahiin ni Li Hua. Naniniwala ito sa manghuhulang nagsabi na pulos babae ang isisilang ni Lian-chiao at hindi ito kailanman maghahatid sa kanya ng yaman o suwerte. Sa madaling sabi, si Lian-chiao ang pinanggagalingan ng kasawiang-palad. Dahil dito, napakasama ng pakikitungo niya kay Lian-chiao.
Walang magawa si Lian-chiao kundi tahimik na pagtiisan ang hindi makatwiran at kung minsan ay malupit na pakikitungo nito sa kanya. Kung nagkaroon siya ng lakas ng loob na magmaktol at mangatwiran, mandidilat agad iyon, at luluraan sa mukha mismo, humihiyaw, “Ikaw ang sumpa ng pamilya! Sinong may sabi sa iyong magpakasal ka sa akin? Luka-luka! Kung gusto mong lumayaw, puwede ka nang lumayaw ngayon din. Alis! Alis! Sinong pumipigil sa iyo?...”
Tumulo sa pisngi ang luha ni Lian-chiao. Dahan dahan siyang bumaling.
Nasipa na nina Ah Yue at Siao-lan ang kumot. Mahimbing na natutulog ang dalawa, magkayakap. Kinuha ni Lian-chiao ang kumot at itinakip sa kanila. Pumikit siya ngunit hindi pa rin makatulog. Nag-aalala siya. Malapit na siyang manganak. Makukunan kaya siya? Mahirap sabihin. Sa kabila ng kanyang pagbubuntis, kailangan niyang magbuhat ng mabibigat na bagay—kasimbigat ng animnapu o pitumpung katies araw-araw. Mga ilang araw pa lang ang nakararaan ay bumagsak siya habang nagsisibak ng kahoy na panggatong. Sino ang gagarantiyang hindi naapektuhan ang bata sa loob ng kanyang tiyan? Halimbawang malaglag ang bata, at mamatay siya, sino ang humahalinghing, “Ang tiyan ko…masakit…dalhin agad…dalhin ninyo ako sa ospital…”
“Ano? Ngayon na? Mananalo ako sa larong ito. Sandali. Pung! Ang galing! Ang gandang pitsa ito. Ito talaga ang kailangan ko. Ha, ha! Quadruple! Unang apat, pangalawang apt…isang libo dalawang daan at walumpu at dalawang libo limang daan at animnapu!”
Malaki and panalong iyon. Nagsimula siya sa ilang chips lamang ngunit ngayon ay isang bunton na ang nasa harap niya. Tuwang tuwa si Li Hua  at hindi niya mapigil ang kakatawa, maluwang na maluwang ang nangingitim na bibig. Habang sinasamsam at inaayos ang mga chips, ngumiti siya sa taong nakaupo sa harap niya. “Ha, ha, Lumpong Chun! Napakagaling nitong siyamnapung libong galing sa iyo! Napakagaling! Ha, ha…”
“Ai-yo…yo…”
“Hoy lumakad ka na. Manganganak na ang misis mo!, may humimok kay Li Hua.
Walang magawa si Li Hua kundi hilingin sa isang miron na maglaro para sa kanya. Galit na tinignan niya si Lian-chiao at nag-aatubiling tumayo. Pumayag ang maybahay ng towkay na ipaarkila sa kanya and Morris Minor nito sa dalawang dolyar bawat oras, at dodoblehin sa gabi.
Tinulungan ng maybahay si Lian-chiao na makasakay sa kotse. Si Li Hua, na umuungol pa ay nagpunta sa kasilyas sa likod ng kapihan.
Bagamat hindi na gaanong humihilab ang tiyan niya,balisa si Lian-chiao. Bigla siyang nakakita ng ilaw ma mabilis na papalapit sa dako nila. Bahagyang kumislap ang munting ilaw, dahil marahil sa hangin. Habang papalapit iyon ay nakita niya si Ah Yueng pangku-pangko ang nakababatang kapatid. Kapwa sila umiiyak at namumula na ang kanilang mga mata.
“Ah Yue, Ah Yue! Bakit dinala mo rito ang kapatid mo? Sisipunin kayo!” Lumabas sa kotse si Lian-chiao, nilapitan ang maliliit na batang babae, hindi malaman kung ano ang gagawin.
Humagulgol ng iyak si Siao-lan… Kaagad siyang inaliw ni Lian-chiao.
Habang pinapahiran ang luha a ilong, marahang nagssaita si Ah Yue, “Nagising ako sa iyak ni Siao-lan. Hinahanap niya ang nanay. Hindi ko Makita si nanay sa bahay. Naisip kong baka narito kayo, kaya dinala ko siya dito…”
Nang malaman ni Ah Yuen a papunta sa ospital ang kanyang ina, kumbot ng kaunti ang ilong nya at ang bibig niya ay lumaylay sa mga sulok. Luhaan ang mga mata niya.
“Kokak,kokak…”Umiiyak ang mga palaka sa mga pilapil sa gawing kaliwa ng maliit na kalsada. Binasag ng malungkot nilang pagkokak ang katahimikan ng gabi.
Muling bumugso ang hangin. Tuluyan nang namatay ang ilaw sa gasera. Si Lian-chiao at ang lahat ng bagay sa kanyang paligid ay dagling nakulong sa kadiliman. Hindi siya makasulong at hindi din siya makaurong ilang sandal siya tumayo roon, walang tinag at hindi malaman ang gagawin. Parang hinihiwa ng isang matalim na kutsilyo ang tiyan niya. Natutuliro siya at nahihilo. ”Kras.”  Nalaglag ang gasera mula sa nanginginig niyang mga daliri,nagkapira-piraso. Hindi na maisip ni Lian-chiao kung ano ang nangyayari. Sinapo niya ng dalawang kamay ang kanyang ulo, nagpupumilit na manatili siyang nakatayo.
Pagkalipas ng ilang sandali, medyo nanumbalik ang lakas ni Lian-chiao at unti-unting nasanay ang mga mata niya sa dilim. Lumakad siyang muli, mabagal, hindi matatag. Kung ilang beses na halos madapa siya dahil sa madulas na kalsada. Madalas siyang huminto dahil sa sumusumpong na sakit. Tatayo siya, yuyuko ng mababa hanggang ang sakit ay humupa…ngunit ilang sandal lamang.
Narating din sa wakas ni Lian-chiao ang Hsiang Chi Coffee Shop. Napakaliwanag s loob at maingay: ang kalantog ng mga pitsa ng madyong sa mesa, ang maingay na boses ng mga sugarol, umuungol o tumatawa…
Nanghihinang itinaas ni Lian-chiao ang kaliwang kamay at kumatok sa pinto.
Marahil ay buhos na buhos ang mga isip ng tao sa pagsusugal, o baka naman napakahina ng katok niya. Walang lumapit para buksan ang pinto. Hindi na matiis ni Lian-chiao ang sakit, at kumatok uli siya ng buong lakas.
Isang matabang babae ang nagbukas ng pinto. Iyon ang maybahay ng may-ari ng kapihan. Si Lian-chiao na nakasandal ng mabuti sa pinto ay bumagsak sa loob.
Noon una ay nagulat ang matabang babae sa pagpasok niya. Ngunit nang matanto niya kung sino ang babae, maliksi niya itong tinulungan at inakay papasok.
Si Li Hua, na dadampot na lamang ng pitsa ay namangha rin s pagdating ni Lian-chiao. Ngunit nakapagpigil siya at mabagsik na nagtanong, “Anong nangyari? Bakit gabing-gabi na ay narito ka pa? Pung! Teka, teka! Red Center ba ‘yon? Ha! Maganda!” Magaganda ang pitsa niya at medyo ninenerbyos siya, matamang nakatingin sa mesa.
Tinulungan ng maybahay ng towkay si Lian-chiao na maupo sa silyang rattan. Sapo ng dalawang kamay ni Lian-chiao ang kanyang tiyan, “Ah Yue, huwag kang umiyak. Mabait ka di ba? Alagaan mong mabuti and kapatid mo. Uuwi ang nanay pagkaraan ng dalawa o tatlong araw. Pagkahatid sa akin sa ospital, uuwi ang tatay ninyo…” Habang inaaliw si Ah Yue, napaiyak na rin si Lian-chiao. Hindi niyang makayang isipin na aalis siya ng mga ilang araw, iiwan ang dalawang munting bata sa bahay na walang mag-aalaga sa kanila.
Ibinaba ni Ah Yue ang nakababatang kapatid at sa pagitan ng mga hikbi, “Inay, dadalawin ko kayo bukas, kasama ang kapatid ko. Sasabihin ko kay Itay na isama kami roon. May isa pang dolyar sa aking lata ng sigarilyo. Dadalhin ko iyon para magamit mo muna…”
Magiliw na hinawakan ni Lian-chiao ang munting ulo ng anak. Hindi siya makapagsalita dahil sa pag-aalala.
Lumabas si Li Hua. Kinagalitan ang dalawang bata gaya ng dati. Pagkatapos ay pumasok sa kotse, binuhay ang makina at pinatakbo.
Patuloy ang madyong sa Hsiang Chi. Ang gabi ay ginulo ng mga tunog ng pitsa, “Khe-ta… khe-ta…” at paminsan minsan ng malakas na pung!
Malamig na kumislap ang mga bituin sa langit. Malakas ang ihip ng hangin. Isang munting ilaw ang mabagal na kumikilos sa daan. Si   Ah Yue, pangko sa likod ang umiiyak at inaantok na kapatid, mabagal at atubiling naglalakad patungo sa kanilang luma at hungkag na bahay…

Ang Ama salin ni M.R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isa lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa’y iniuuwi ng ama – malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kanyang parte ang lahat – kahit ito’y sansubo lang ng masarap na pagkain, sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos, at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito – sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila’y masayang nakiupo sa kanila at kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong iyon, at ngayo’y hindi na nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya’y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo’y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ang ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tale sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata’y magsisiksikan, takot na anomang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya’t mahihiya iyong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa, at malakas na bulalas at pag-ungol mula sa kanilang ama, at sila’y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama na mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila’y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong paulit-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tumatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, o namamaluktot ng paghiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito’y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon himinto, ito’y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon nang buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayong binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo, doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay, dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di’y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes na sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo’y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya’t madalamhati siyang nagtatawag, “Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!” Nakita niya ito sa kanyang libingan sa tabi ng gulod – payat, maputla at napakaliit – at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba’y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, “Maaaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata”.
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman nito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kaya ito pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba’y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit. Nagtalo ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki’y biskwit; nakakita na siyang maraming kahong tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, y’ong katulad ng minsa’y ibinigay sa kanila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng Nanay. Ang kambal ay nagkasya sa pandidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya’t nagtalo at nanghula ang mga bata, takot na hipuin ang yaman na walang senyas mula sa ama. Inip nilang lumabas ito ng kanyang kuwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na sa wari’y kanila na sana, nagbulungan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. “Tingnan natin kung saan siya pupunta”. Nagpumilit na sumama ang kambal, at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa bahay, pero ngayo’y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ang puntod na kanyang hinintuan. Lumuhod ito at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-gahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, “Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana’y tanggapin mo”. Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasis sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anomang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan itong nakaluhod kahit bumagsak na ang ulan. Pagkuwa’y umalis ito, naninikit sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kangina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas, nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.

PLOP! CLICK! (Dobu Kacchiri)

Mga Tauhan:
KOTO
KIKUICHI
ISANG NAGDARAAN
KOTO : Isa akong Koto na nakatira sa pook na ito. Ngayon tatawagin ko si Kikuichi para konsultahin siya. Nariyan ba si Kikuichi?
KIKUICHI : Nariyan na!
KOTO : Nasaan ka?
KIKUICHI : Heto na ‘ko.
KOTO : May mahalaga akong kailangan sa iyo. Dahil matagal na rin naman akong hindi nakalalabas ng bahay, ang daming oras na nakabitin sa kamay ko. Gusto kong magbiyahe at nang makapagmasid naman ng mga tanawin. Ano sa tingin mo?
KIKUICHI : Sa totoo lang, imumungkahi ko nga sana sa iyo, Ekselenteng ideya.
KOTO : Ano pang hinihintay natin kung ganoon. Maghanda ka ng sake.
KIKUICHI : Ngayon din. Nakahanda na ang bote ng sake.
KOTO : Umalis na tayo agad. Halika na!
KIKUICHI : Nakahanda na ako.
KOTO : Ano sa palagay mo? Nagtatawanan na siguro ang mga taong makita ang dalawang paris natin na namamasyal at nagmamasid sa mga tanawin. Pero ang pagbibiyahe sa bagong lugar ang nakapagpapagaan ng pakiramdam bukod pa sa kasayahang nalalasap mo.
KIKUICHI : Wala naman sa palagay kong mag-iisip na para tayong gago. Kaya, kapag nararamdamang mong gusto mong magbiyahe, dapat lang na ilang ulit tayong magbiyahe. Nakabubuti iyon sa inyo, Amo.
KOTO : Nasa labas na tayo ng nayon. Marahil nasa gitna tayo ng bukirin. Ang lungkot dito.
KIKUICHI : Nasa gitna nga tayo ng bukirin.
KOTO : Kapag nasa kapatagan ako, parang lumalawak ang aking puso at gumagaan ang pakiramdam ko.
KIKUICHI : Gaya ng sabi mo, kasiya-siya ang magbiyahe.
KOTO : Makinig ka! Noon ko pa gustong sabihin sa iyo na hindi sa habambuhay ka na lamang umaawit ng mga maiikling awit o bumibigkas ng mga kuwento. Bakit di mo ensayuhin ang Labanan sa Heike, ang pamosong epiko?
KIKUICHI : Gusto ko nga sanang hingin ang tulong mo tungkol diyan. Masuwerte na lang at ikaw mismo ang nagbukas tungkol diyan. Kung maituturo mo sa akin ‘yan, tatanawin kong malaking utang-na-loob.
KOTO : Ituturo ko kung ganoon. Wala rin lang tao sa paligid, bibigkasin ko sa iyo ang isang berso.
KIKUICHI : Sadyang kay buti mo. Sige, makikinig ako.
KOTO : “Umabot sa krisis ang labanan sa Ichi no Tani, at nauwi sa isang malaking giyera. Natalo ang mga dakilang Hieke, at nagsisugod ang mga mandirigma ng Genji—silang sabik sa kabantugan. Parang mga trigong nagbagsakan sa harap ng mga armas-pandigma. Kalunus-lunos na pagdanak ng dug! Walang katapusang kaguluhan! Putol ang baba ng ilan, at ang iba nama’y talampakan. Sa gitna ng nakakukuliling mga daing at pananangis, pilit pinaglalapat ang kanilang mga sugatang talampakan sa duguang baba,ang sugatang baba sa duguang talampakan. Ay, kahabag-habag na tanawin! Tatlo o apat na raang mga mandirigma ang nagkalat sa kapatagan!…”
KIKUICHI : Kagila-gilalas palang talaga ang epikong ‘yan. Nagagalak akong marinig.
KOTO : Halika’t pumunta tayo doon sa malayu-layo pa. Sumunod ka sa ‘kin!
KIKUICHI : Sige lang, sumusunod ako.
KOTO : Maraming bumibigkas ng Heike, pero wala akong alam na nakabibigkas ito nang mainam. Kaya kailangang pag-aralan mo itong mabuti.
KIKUICHI : Iinsayuhin kong mabuti, at inaasahan kong tuturuan mo akong muli.
KOTO Sakali’t maitalaga ako sa posisyon ng “Kengyo,” gagawin kitang isang “Koto”.
KIKUICHI : Napakabuti mo ngang talaga.
KOTO : Ano ‘yon? Nakakarinig ako ng alon ng tubig. Siguro’y malapit tayo sa dagat.
KIKUICHI : Oo nga, pakiramdam ko;y dagat nga ‘yon.
KOTO : Kailangan nating tawirin ito. Anong dapat nating gawin?
KIKUICHI : Ano nga bang dapat nating gawin?
NAGDARAAN: (Sa mga manonood) Dito lang ako nakatira. Dahil may lalakarin ako sa kabila ng bundok, kailangan kong magmadali. Ano itong nakikita ko? Dalawang bulag ang nagbabalak lumusong sa dagat. Paano kaya nila magagawa ‘yon? TitigiI muna ako rito at panoorin sila pansumandali.
KOTO : Halika! Maghagis ka ng bato para matantiya natin ang lalim ng dagat.
KIKUICHI : Sige. Ayan, naghagis na ako. PLOP!
KOTO : Malalim doon.
KIKUICHI : Malalim na malalim doon.
KOTO : Subukan mo sa ibang direksiyon.
KIKUICHI : Sige. Ayan, naghagis ulit ako. CLICK!
KOTO : Mababaw doon.
KIKUICHI : Mukha ngang mababaw doon.
KOTO : Kung gayon, lumakad na tayo nang painut-inot. Halika na!
KIKUICHI : Pero amo, teka muna sandali.
KOTO : Bakit?
KIKUICHI : Bubuhatin ko na kayo sa likod ko.
KOTO : Naku, hindi na kailangan. Basta sumunod ka sa akin.
KIKUICHI : Pero kaya nga ako naririto para pagsilbihan kayo. Para na rin sa kabutihan ng aking kaluluwa. Hayaan niyo ng buhatin ko kayo.
KOTO : Hindi, huwag na. Dahil hindi ka rin nakakakita, baka maaksidente pa tayo. Maghawakan na lang tayo sa isa’t isa saka lumakad nang painut-inot.
KIKUICHI : Pero ito ang pagkakataon ko para makatulong sa inyo. Kailangang mabuhat ko kayo sa aking likuran.
KOTO : O sige, sige. Dahil mapilit ka, papayag akong buhatin mo ako. Pero kailangang maghanda na muna tayo. Ihanda mo na rin ang sarili mo.
KIKUICHI : Salamat, nakahanda na ako.
NAGDARAAN: Mautak ang mga bulag na ‘yon. Sinusubukan nila ang lalim ng dagat sa pamamagitan ng paghahagis ng bato. Masuwerte talaga akong aso. Ako ang magpapabuhat patawid sa dagat. (Papatong siya sa likod ni KIKUICHI).
KIKUICHI : Humawak kayong mabuti. Ngayon sisimulan ko nang magpainut-inot sa dagat. Sana naman hindi masyadong malalim. Ayan nakarating na ako sa kabila. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap, at natutuwa ako’t wala ring disgrasya.
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Hindi ko inaasahan ang suwerteng ito. Tuwang-tuwa ako.
KOTO : Ano Kikuichi? Nakahanda ka na ba? Walang sumasagot? Hindi ko ito maintindihan. Ki-ku-i-chi! Na-sa-an ka?
KIKUICHI : Na-ri-to a-ko!
KOTO : Bakit di mo pa ako buhatin patawid?
KIKUICHI : Pero kabubuhat ko lang sa inyo.
KOTO : Kabubuhat lang sa akin? Pero naghahanda pa lang ako. Hindi mo pa ako nabubuhat. Ang hayop na ‘yon mag-isa palang tumawid.
KIKUICHI : (Magmamadaling tumawid sa pinaggalingan) Kailan kayo tumawid na muli rito Amo?
KOTO : Kailan? Aba’t walanghiya ‘tong taong ito. Umaayaw na yata. Madali ka’t buhatin mo na ako agad.
KIKUICHI : Hindi ko maintindihan ito. Di bale, tatawid na lang uli ako. Kumapit na kayo sa likod ko.
KOTO : Huwag kang magalaw.
KIKUICHI : Lalakad na ako nang painut-inot. Mukhang napakalalim dito.
KOTO : Basta mag-iingat ka at huwag kang masyadong magalaw.
KIKUICHI : Opo, opo. Ang lalim naman nito! Naku, tulungan ninyo ako, saklolo!
NAGDARAAN: Nakakaaliw pagmasdan ang kawawang mga bulag!
KOTO : Nakakapanggalit itong nangyayari sa atin. Basang-basa na ako. Kaya nga ba tumanggi na akong pabuhat sa iyo noong una pa.
KIKUICHI : Ipagpaumanhin ninyo. Patutuyin ko kayo. Talaga namang nag-iingat ako, pero natalisod ako. Patawarin ninyo ako.
KOTO : Nauunawaan kong aksidente ang nangyari, at wala tayong magagawa roon. May nangyari ba sa sake?
KIKUICHI : Anong sabi n’yo? Ah, ang bote ng sake. Heto, hindi nadisgrasya.
KOTO : Giniginaw na ‘ko. Tagayan mo ako.
KIKUICHI : Sige po.
NAGDARAAN: Aba’t may isa pa pala akong suwerte. Akong iinom noon.
KIKUICHI : Nagtatagay na po ako. Glug, glug!
KOTO : Tama na ‘yan. Mawawala rin ang ginaw ko pag nainom ko na ito.
KIKUICHI : Sigurado, Amo.
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Ang sarap nito!
KOTO : Ano na, Kikuichi? Bakit di mo ako tinatagayan?
KIKUICHI : Pero katatagay ko lang po’t binigay ko sa inyo.
KOTO : Iyon din ang akala ko, pero wala ni isang patak ang baso ko.
KIKUICHI : Talagang hindi ko maintindihan ito. Magtatagay uli ako Heto, pupunuin ko na ang baso.
KOTO : Sige, bilisan mo.
KIKUICHI : Eto na. Glug, glug!
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Aba’t may kasunod pa! Walang kasinsarap ang sakeng ito!
KOTO : Tama na ‘yan. Uminom ka rin nang kaunti.
KIKUICHI : Puwede po ba? Salamat sa kabaitan ninyo. Napakasarap ng sake, di po ba?
KOTO : O, bakit hindi mo pa ako tinatagayan?
KIKUICHI : Pero katatagay ko lamang po ng isang punung baso para sa inyo.
KOTO : Akala ko nga, pero ni isang patak, wala pa rin ang baso ko. Kamuhi-muhi kang tarantado ka. Ni isang patak di mo man lang ako pinatikim, kasi sinosolo mo’ng pag-inom.
KIKUICHI : Naku, hindi ganyang magsalita ang amo ko. Bakit ko naman sosolohin ito nang hindi inuuna ang amo ko? Mali ang akusasyon ninyo sa akin. Nakadalawa na po kayong tagay.
KOTO : Aba’t talaga bang ginagalit mo ‘ko? Hindi ka lang gago, dinadaya mo ‘ko at pinalalabas na iniinom ko’ng tinatagay mo nang di mo alam. Tagayan mo ako ulit.
KIKUICHI : Gusto ko po sana. Pero, ipagpaumanhin ninyo! Wala na pong natira.
KOTO : Ano? Ni isang patak wala nang natira?
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Talagang nakakaaliw ito. Pag-aawayin ko sila. Bang! Bangg!
KOTO : Aray,aray ko! Aba’t sobra na ito. Matapos mo akong agawan ng inumin, ngayon naman may gana ka pang bugbugin ako.
KIKUICHI : Ano’ng sabi ninyo? Bugbugin?
KOTO : Sinaktan mo na ako, ulol!
KIKUICHI : Itinatabi ko lang po ang bote ng sake. Ni hindi nakaturo sa direksiyon ninyo ang mga kamay ko.
KOTO : A, hindi pala? At sino pang mananakit sa akin, aber? Sino, sabi?
KIKUICHI : Aray, aray ko po! Inaakusahan n’yo na nga ako ng kung anu-anong hindi ko naman ginagawa, ngayon naman sinasaktan n’yo pa ako. Bakit binubugbog ninyo ang isang walang kasalanang katulad ko?
KOTO : Aba’t ni hindi nga nakatutok sa iyo ang mga kamay ko.
KIKUICHI : Hindi nakatutok? Sinong nanakit sa akin? Magsalita kayo,sino pa?
KOTO : Aray, aray ko! Kikuichi, ano ba? Bakit mo ba ako sinasaktan?
KIKUICHI : Nasa binti ko ang mga kamay ko.
KOTO : Nasa binti mo? Kaninong mga kamay ang sumuntok sa akin?
KIKUICHI : Aray, tama na! Huwag ninyong abusuhin ang inosenteng tulad ko. Amo.
KOTO : Ano? Abusuhin?
KIKUICHI : Ano pa nga bang ginagawa ninyo?

KOTO : Ni hindi nga dumadapo ang mga kamay ko sa iyo.
KIKUICHI : Di dumadapo? Kung gayo’y sinong nanununtok sa akin?
KOTO : Aray, ano ka ba?
KIKUICHI : Aray ko po, tama na!
NAGDARAAN: Nakakatuwa talaga ito. Paiikutin ko sila sa iba’t ibang pakana. Pero, teka! Aba’t tinutuluyan na nilang magsuntukan.Delikado pa ang manatili pa rito. Kailangang makaalis na ako habang may araw pa.
KOTO : Nauubos nang pasensiya ko. Hindi kita patatakasin lintik ka!
KIKUICHI : Bakit ako sinasaktan?
SILANG DALAWA: A-a-ray….
KIKUICHI : Ikinahihiya ko kayo Amo. Hawak ko na kayo ngayon. Nagpapanggap lang pala kayong mabait. Santo-santito!
KOTO : Huwag, sandali lang! Matapos mo akong bugbugin, tatakbuhan mo ako. Wala bang ibang tao rito? Hulihin n’yo siya, hulihin n’yo! Huwag n’yo siyang patatakasin!

AANHIN NINO ‘YAN? Vilas Manwat Salin ni Luwalhati Bautista

Si Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw na ang paa’y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.

Mahilig siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya: “Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya.” Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: “Magdala ka rito ng kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin mong nag-aalaga siya ng baka para doon!”
Sa iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen; makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.


Pag maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: “Mga binibini, nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n’yo isuot.” Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.
Pero eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng mga kaibigan niya, “Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang negosyo, mas madali kang yayaman.”
Masayang tatawa si Nai Phan at sasabihin, “Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang mabilis.”
Ang sagot na ito’y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.


Ang mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, “Ang saya-saya nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa amin.”


Isang gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan. Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na pumasok ang isang kabataang lalaki.
“Anong maipaglilingkod ko sa inyo sir?” Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot, naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.


“Iabot mo ang salapi mo,” marahas na sabi ng kabataang lalaki. “Lahat! Kung anuman meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao sa iba’t ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na. pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala.”


Hindi nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na parang nakikipag-usap lang; “Ibibigay ko sa’yo ang pera, pero hindi dahil sa baril mo, ibibigay ko sa’yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka nakasalalay dito’y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro’y may sakit ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash dito; higit pa. . .kunin mo na.”


Inilagay niya ang salapi sa mesa pero ang binatang holdaper ay tila hindi nagkalakas-loob na hipuin iyon.
“Bakit hindi mo kunin?” tanong ni Nai Phan. “Tingnan mo, bakit kita lolokohin? Alam kong hirap na hirap ka. Hirap tayong lahat sa mga araw na ito. Hindi ako naniniwalang masama kang tao. Sino ang gustong maging magnanakaw kung maiiwasan niya? Maaari ding nagkaatake ang iyong ama at kailangan mo siyang alagaan. Dalhin mo sa kanya ang perang ito, pero huwag mong ubusin lahat sa gamot. Maniwalak ka sa akin, magagamot ng doktor ang katawan, pero kailangan ng tao ang lunas pati sa kanyang isip at kaluluwa. Bumili ka ng ilang mababangong bulaklak, isang kuwintas ng bulaklak para sa iyong ina na mailalagay niya sa harap ng sagradong imahen sa bahay. Iyon ang ginagawa ko gabi-gabi. Hindi mo kailangang malaman kung ano ang kabanalan o kung saan ito nananahan. Sapat na ang makadama ka ng kapayapaan sa iyong sarili. Iyon ang langit. Ay!—at itabi mo ang iyong baril—giginhawa agad ang pakiramdam mo. Ang isang lalaking may dalang baril ay hindi nakakakilala nbg kapayapaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot at pag-aalinlangan, at sa amoy ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.”
Inilagay ng kabataang lalaki ang baril sa kanyang bulsa, tulad ng isang masunuring bata. Itinaas niya ang mga kamay sa pagpupugay sa wai kay Nai Phan, na kilala sa kanyang sinangag at kape at pagbubukas-palad.


“Dapat na barilin ko ang aking sarili imbis na barilin ka,” sabi ng kabataang lalaki.


“Huwag kang magsalita na parang baliw,” sabi ng tagapamahala ng tindahan, habang inaabot ang pera sa binata. “Ito na lahat iyon. Dalhin mo at iyo nang lahat. Hindi ito pagbibigay na ginawa sa galit. Alam ko na puno ang mga bilangguan, pero hindi ng mga kriminal. Isa kang lalaking tulad ko, tulad ng ibang lalaki; kahit sinong lalaki, kahit isang ministro, ay ganyan din ang gagawin ko kung desperado.”
Naupo ang kabataang holdaper. “Hindi pa kita nakita kailanman, at hindi pa ako nakakita kailanman ng gaya mo kung magsalita. Hindi ko kukunin ang pera mo, pero itinabi ko na ang aking baril. Ngayo’y uuwi na ako sa aking ina na gaya ng sabi mo,” umubo siya ng ilang ulit bago nagpatuloy. “Masama akong anak. Lahat ng perang ibinigay sa akin ng aking ina’y inubos ko sa karera ng kabayo; yong kakaunting natira’y inubos ko sa pag-iinom.”


“Lahat ng tao’y nagkakamali. Ano ba ang buhay kundi magkahalong eksperimento, pagkakamali’t mga kabiguan?” sabi ni Nai Phan.


“Hindi, malakas ang katawan ko, alam mo,” pagpapatuloy ngkabataang lalaki. “Narinig mo ba ang ubo ko? Natatakot ako na mayroon na akong T.B. iyon ang dapat sa akin, sa palagay ko, dahil meron akong mga ginawang masasama—dapat talagang mamatay na ako agad-agad. Hindi ako dapat mabuhay, pasanin lang ako sa mundo. Salamat, at paalam.”


“Hindi mo kailangang umalis agad. Dito ka muna sandali at mag-usap tayo. Gusto kitang makilala. Saan ka nakatira? Ano ang mga hilig mo? Ibig kong sabihin, ano ang mga pinaniniwalaan mo?”


Walang pag-asang umiling ang kabataang lalaki. “Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon. Saan ako maaaring pumunta? Ano ang mga pinaniniwalaan ko? Hindi ko alam. Mukhang walag anupaman sa mundong ito na karapat-dapat na paniwalaan. Naging isang miserableng nilikha na ako mula nang araw na ako’y ipinanganak; hindi nakapagtataka na hindi ko gusto ang aking mga kapwa-tao. Minsan, ang tingin ko’y pananagutan ng lahat ang mga kasamaan ko. Ayokong makisalamuha sa mga tao. Hindi ako nagtitiwala sa kahit kanino. Kinasusuklaman ko ang paraan ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, kung paano nila gugulin ang kanilang buhay, kung paano nila mahalin at purihin ang isa’t isa, kung paano sila tumawa at ngumiti.”
Tumango nang may pagkaunawa si Nai Phan. “Lahat ng tao’y ganon ang pakiramdam kung minsan.”
“Kaya mo ba akong paniwalaan?”. “Hindi ako interesado sa kahit ano. Sawang-sawa na ako sa lahat. Ang buong mundo ay parang hungkag. Walang kahulugan, walang anupaman na mapangangapitan o maigagalang ng tao. Kung talagang gusto kong magtrabaho, sa palagay ko ay maaari akong humanap ng gawain. Pero nasusuklam akong makita ang sangkatauhan, ayokong tumanggap ng kahit na anong pabor mula sa kanila. Mananatili ako nang isang linggo sa isang trabaho, dalawang linggo, sa isa pa—hindi ako nagtatagal kahit saan.”


“Nagbabasa ka ba ng libro?”


“Dati. Pero umayaw na ako. Ni hindi na ako nagbabasa ng dyaryo ngayon. Bakit pa? alam na alam ko kung anong laman nila. Wala kundi barilan, nakawan, patayan! Binabago nila ang mga lugar at mga pangalan, pero ganun at ganon din ang mga istorya.”


Hinimas ng kabataang lalaki ang kanyang baba at masusing naningkit ang mga mata kay Nai Phan. “Suwerte mo na hindi ka nagpakita ng anumang takot o galit nang pagbantaan kita ng baril, tiyak na papatayin kita. Ang daigdig na ito’y punung-puno ng mga lalaki na gustong magpakita ng galit, mga lalaking marurumi ang isip, na laging bumubulalas na nabubulok na raw ang sibilisasyon at moralidad. Hindi ako naniniwala na dahil lang daan-daan o libo-libo ang napasama, ganun na rin ang dapat gawin ng lahat ng tao. Alam ko na ngayon na hindi ako naparito dahil sa pera kundi para patunayan sa sarili ko na tama ang aking paniniwala. Naiisip ko palagi kahit pa nawawalan na ng pag-asa ang mundo at lumulubog na sa kalaliman, pinarumi at dinungisan ng kasalanan ng tao, may natitira pa rin kahit isang tao na hindi tao dahil lang ganun ang itsura niya, kundi isang tunay na taong nilalang. Alam niya kung paaanong magmahal ng iba, kung paano mapagwawagian ang paggalang ng ibang tao. Pero hindi ko ganap na pinanaligan iyon dahil wala pa akong nakitang ganun. Sa loob ng maraming taon ay iniisip ko: “Sana’y makakita ako ng isang tao na hindi pa naging buktot kasabay ng kabuktutan ng mundo, para mapaniwalaan ko na may natitira pang kabutihan, para magkaroon ako ng lakas para patuloy na mabuhay. Ngayo’y nakatagpo ako ng isang taong ganun. Ibinigay mo sa akin ang lahat ng hinahangad ko. Wala ka nang dapat ibigay. Uuwi na ako ngayon. Mangyari pa, sa isip ko, hindi ko na kamumuhian uli ang daigdig. Natuklasan ko sa wakas ang uri ng buhay na gusto kong tuntunin.”
Mukhang naging mas masigla na ang estranghero. Tumindig na siya para umalis at pagkaraan, naalala niya, inilabas niya ang baril. Iniabot niya iyon sa may-ari ng tindahan.


“Sana’y kunin mo ito. Hindi ko na ito kailangan. Iyan ang tatak ng mababangis. Sinumang lalaki na magdadala ng baril ay walang awa o paggalang sa iba, wala siyang iginagalang kundi ang baril. Ang mga bandido’y maaaring mabuhay sa kanilang baril, pero ang buhay nila’y laging gagambalain ng katotohanan na ang mga kaaway nila’y maaaring sumalakay sa kanila nang wala silang kahandaan. Wala silang panahon para panoorin ang paglubog ng araw o para umawit. Pag ang tao’y walang panahon para umawit, mabuti pang maging kuliglig na lang o ibong mynah.”


Ngumiti nang masaya ang holdaper, at kumakaway ng pamamaalam, idinugtong nito: “Babalik ako para makita ka uli, pero huwag mo nang ipakita uli sa akin ang aking baril. ‘Yan ang kaaway ng isang malinis na buhay. Paalam.”


Nawala sa dilim ang estranghero. Yumuko si Nai Phan, ang may-ari ng tindahan, para bisitahin ang pinakabago niyang pag-aari. Iniisip niya na bukas ay ipagbibili niya iyon. Kailangang-kailangan niya ng bagong pansala ng kape.