CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Biyernes, Oktubre 21, 2011

Babang Luksa Salin ni Olivia P. Dantes ng "PABANUA” ni DIOSDADO MACAPAGAL

Isang taon ngayon ng iyong pagpanaw
Tila kahapon lang nang ika’y lumisan;
Subalit sa akin ang tanging naiwan,
Mga alaalang di – malilimutan.

Kung ako’y nasa pook na limit dalawin
Naaalala ko ang ating paggiliw;
Tuwa’y dumadalaw sa aking paningin
Kung nagunita kong tayo’y magkapiling.

Kung minsan sadya kong dalawin ang bahay
Na kung saan unang tayo’y nag-ibigan ;
Sa bakura’t bahay , sa lahat ng lugar ,
Itong kaluluwa’y hinahanap ikaw.

Sa matandang bahay napuno ng saya
Sa araw na iyo’y pinagsaluhan ta;
Ang biyayang saglit , kung nababalik pa
Ang ipapalit ko’y ang aking hininga.

Bakit ba, mahal ko, kay- agang lumisan
At iniwan akong sawing – kapalaran
Hindi mo ba talos , kab'yak ka ng buhay
At sa pagyaon mo’y para ring namatay ?

Marahil tinubos ka ni bathala
Upang sa isipa’y hindi ka tumanda ;
At ang larawan mo sa puso ko’t diwa
Ay manatiling maganda at bata.

Sa paraang ito kung nagkaedad na
Ang puting buok ko’y di mo makikita
At ang larawan kong tandang tanda mo pa
Yaong kabataan taglay na tuwina

At dahil nga rito, ang pagmamahalan
Ay hanggang matapos ang kabataan,
Itong alaala ay lalaging buhay,
Lalaging sariwa sa kawalang-hanggan.

Kaya, aking , mahal , sa iyong pagpanaw
Tayo’y nagtagumpay sa dupok ng buhay,
Ang ating pagsintang masidhi’t marangal
Hindi mamamatay, walang katapusan

Ang kaugalian ng ninuno natin
Isang taon akong nagluluksa mandin;
Ngunit ang puso ko’y sadyang maninimdim;
Hanggang kalangitan tayo’y magkapiling.

1 (mga) komento:

Liza ayon kay ...

Teoryang Pampanitikan: Romantisismo